Sunday, September 26, 2010

BARKADA

Apat ang bumubuo ng barkadang “BATA” sina Beatrice, Anthony, Trisha, at Ariel. Sila ang mga kabataang sa kabila ng pagiging mahirap ay nangarap na umunlad at makaahon sa kinalakihang buhay. At kahirapan din ang naging dahilan kaya sila nagkahiwa-hiwalay!Paghihiwalay na naging daan kaya nawalan sila ng komunikasyon sa isa’t isa. Naging prayoridad kasi ng bawat isa ang makamit ang pinapangarap, na nagbunga ng pangit na kapalarang kanilang sinapit. Dalawa sa kanila ang muling nagkita pagkalipas ng mahabang panahon. At natuklasan nilang kailangan pala nila ang isa’t isa upang maranasan ang totoong kaligayahan…
Pakiramdam ni Anthony ay nanlalambot ang kanyang mga tuhod dahil sa sagad-butong pagtatrabaho sa pabrika bilang operator. Bagama’t sawang-sawa na siya sa pitong taong pagtatrabaho doon ay hindi naman niya nagawang iwan iyon. Palibhasa nga kasi’y nakatapos lamang siya ng hayskul kaya maramot sa kanya ang promosyon o trabaho. Sa pagiging tapat niya at nakikita namang masipag siya ay mabilis angpagtaas na kanyang sahod. At kung sana ay hindi siya lumaking mahirap baka malayung-malayo na ang narating niya. Baka sakali ay natupad na niyang lahat ang mga pangarap niya sa buhay .
Siya, bilang isang simpleng mag-aaral noon sa isang pampublikong paaralan sa Davao City, ay may mataas na pangarap sa buhay. Siya, si Anthony Buhain, ay hindi nangarap na maging isa lamang simpleng manggagawa, gaya ng tatlo niyang kaibigan at kaklase na sina Beatrice, Trisha at Ariel. Ngunit walang magawa ang taas ng kanyang pangarap dahil ngayon ay nararanasan na niyang kumayod ng sagad sa buto para lang kumita ng sapat.
Tanggap na niya, na sa kanyang buhay ay tadhana ang pagiging mahirap. Paano nga ay maituturing na niyang siya na yata ang pinakamalas na nilalang sa buong mundo. Dahil pagkatapos niyang tumanggap ng diploma sa hayskul ay sabay na namatay sa isang aksidente ang kanyang mga magulang. Na kung hindi lamang sana nangyari ay maigapang siya kahit papaano sa kanyang pag-aaral ng kolehiyo dahil nag-iisa naman siyang anak. Subalit minalas nga ang mga ito nang bumangga ang sinisakyang traysikel.
Bunga noon ay nakipagsapalaran na siya sa Maynila. Ayaw kasi niyang manirahan sa kanilang mga kamag-anak na masasama ang ugali dahil alam niyang aapihin lamang siya. At sa pag-alis niyang iyon sa Davao City ay naiwan ang mga Kabarkada, na ni hindi na niya alam pa kung ano na ang mga ito na nabigo o sinuwerting magtagumpay at nakamit ang mga pangarap sa buhay.
Tandang-tanda pa ni Anthony ang naganap noong araw na naiwan niya ang tatlong kaibigan. Ayaw man niyang umiyak noon subalit natangay siya nina Beatrice at Trisha, na mahigpit na nakayakap sa kanya. Damang-dama niya na ayaw talaga siyang paalisin na mga ito. Wala naman kasing linaw kung saan siya mapapadpad sa pakikipagsapalaran niya sa Maynila.
“Bea, Trish”, sabi ni Anthony na basag ang boses habang inaalis niya ang pagkakayakap ng dalawa sa kanya.”Paalis na ang bus papuntang Manila, hayaan n’yo na ako.” Tila walang narinig ang mga ito. Sige pa rin sa pag-iyak at paghagulhol habang mahigpit na nakayakap sa kanya.
“Ano ba talaga?” sabi pa niyang napatingin kay Ariel, na kahit hindi umiyak ay malungkot na malungkot naman ang mukha habang nakatingin sa kanya.
“Huwag na kayong umiyak. Bitiwan niyo na ako.”
“Anton!”, sabi ni Beatrice na nakatingin sa kanya, lalong nag-unahan sa pagpatak ang mga luha nito. “Bakit kasi kailangang mauna kang umalis kesa sa amin? Hindi ba’t ang usapan natin ay sabay-sabay tayong luluwas ng Maynila para mag-working student doon?”
“Bea, wala na akong pamilya,” tugon niya rito. “Alam mo namang kinuha na ng suwapang kong tiyahin ang bahay namin, iyon daw and kabayaran sa naiwang utang ng tatay ko. Saan ko pa isisksik ang sarili ko?”
“Magtiis ka na lamang, sana muna sa poder ng tiyahin mo”, sabi naman ni Trisha. “Ilang buwan na lang ang hihintayin mo, malapit na akong payagan nina itay at ganoon din sa Bea. Malapit na tayong makaluwas na sabay-sabay sa Maynila.”
“Oo nga Anton,”sabi naman ni Ariel.”Nag paalam na rin ako sa magulang ko. Payag naman sila kong sabay-sabay tayong apat, saka mas gusto pa nga nila para daw matoto akong maging independent.”
“Hindi ko na kayo mahihintay pa,”sabi pa niya. “ Hindi ito madali para sa akin, masakit pero kailangan ko nang gawin para makapagsimula akong muli. Kaya makikipagsapalaran na ako sa Maynila, baka sakaling madali ko nang makamit ang pangarap ko do’n. “Nakakinis ka naman ehh…iiwan mo kami dito?”, buong pagsabi ni Beatrice na may hinanakit kay Anthony.
“Nagsasarili ka..para kang hindi miyembro na ‘BATA’, para kang walang barkada, na kasama mong sumumpa na wala tayong iwanan kahit anong mangyari.
“Pakiusap…” sabi ni Anthony, “Unawain n’yo naman sana ako …ang kalagayan ko ngayon. Huwag niyo na akong pigilan pa.
Sa sinabi nito ni Anthony sa kanyang mga kaibigan nangangako naman itong susulat agad ito sa kanila at ibibigay ang address nito sa Maynila para doon na lamang sila tumuloy.